06/11/2026
Pinagtibay ng ang constitutionality o pagiging ayon sa Saligang Batas ng Republic Act No. (RA) 12326 na nagtatakda ng limang taong termino para sa mga opisyal ng barangay at miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK). Itinatakda din ng batas sa Nobyembre 2028 ang susunod na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa Desisyong isinulat ni noo’y Associate Justice Rodil V. Zalameda, isinantabi ng Korte Suprema ang petisyon ni Romulo B. Macalintal na kumukuwestiyon sa constitutionality ng batas.
Ayon kay Macalintal, hindi sinunod ng batas ang mga pamantayang itinakda ng Korte Suprema sa desisyon nito noong 2023 sa Macalintal v. COMELEC, na nagpapahintulot lamang sa pagpapaliban ng halalan kung may mahalaga, makabuluhan, o matitinding dahilan.
Nilabag din umano ng batas ang substantive due process na nag-aatas na dapat mayroon itong lehitimong pampublikong interes at gagamit ng makatuwirang paraan para makamit ang layunin. Iginiit din niyang nilabag ng RA 12326 ang karapatan ng mamamayan na bumoto at ang kinakailangang paghalal sa mga opisyal ng barangay.
Nagpasya ang Korte Suprema na hindi naaangkop ang mga pamantayang itinakda sa kaso ng Macalintal noong 2023 dahil ang RA 12326 ay batas na nagtatakda ng termino ng mga opisyal ng barangay at hindi batas na nagpapaliban ng halalan.
Paliwanag ng Korte, pangunahing layunin ng batas na pahabain mula apat na taon, alinsunod sa RA 12232 na ipinasa noong 2025, sa limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay. Binabawasan din nito mula tatlo hanggang dalawa ang pinakamataas na bilang ng magkakasunod na terminong maaari nilang panungkulan.
Bahagi lamang ng pagpapatupad ng bagong limang taong termino ang pagtatakda sa Nobyembre 2028 bilang petsa ng susunod na BSKE.
Dagdag nito, may kapangyarihan ang Kongreso na magtakda, magbago, at magpalawig ng termino ng mga opisyal ng barangay kung kinakailangan basta’t makatwiran ang panahong lilipas bago magsimula ang bagong termino at hindi ito labis na mahaba. Nagsisilbi ang limitasyong ito bilang pananggalang laban sa sunod-sunod na pagpapaliban ng halalan sa barangay.
Sa kasong ito, sinabi ng Korte na makatwiran at hindi labis na mahaba ang pagtatakda sa Nobyembre 2028 bilang petsa ng susunod na BSKE. Huling inihalal ang mga kasalukuyang opisyal ng barangay noong Oktubre 30, 2023, at nakatakdang idaos ang susunod na BSKE sa Nobyembre 2028, alinsunod sa limang taong terminong itinakda ng RA 12326.
Sinabi ng Korte Suprema, sumusunod ang RA 12326 sa substantive due process dahil nagsisilbi ito sa mga lehitimong layunin ng pamahalaan, kabilang ang mabisang pamamahala sa lokal na antas at pagpapatuloy ng mga programa ng barangay. Dagdag nito, makatwirang paraan para makamit ang mga layuning ito ang pagtatakda ng pare-parehong limang taong termino at siklo ng halalan.
Hindi naman nilabag ng RA 12326 ang karapatan ng mamamayan na bumoto dahil ang karapatang buöoto ay hindi nangangahulugan na dapat may partikular na haba ng termino o dalas ng halalan para sa mga opisyal ng barangay. Ang mahalaga ay regular na idinaraos ang mga halalan sa mga takdang panahong itinatakda ng batas.
Hindi inaalis o walang takdang panahong ipinagpapaliban ng RA 12326 ang halalan sa barangay. Itinatakda lamang nito sa Nobyembre 2028 ang susunod na BSKE at susundan ito ng halalan kada limang taon. Tinitiyak nito na patuloy na magkakaroon ang mga botante ng regular at tiyak na pagkakataong pumili ng kanilang mga opisyal sa barangay.
Nilinaw din nito na ang pagpanatili sa puwesto ng mga kasalukuyang opisyal ng barangay hanggang sa susunod na halalan ay hindi katumbas ng pagtatalaga sa kanila ng Kongreso. Ang mga opisyal na nahalal noong Oktubre 2023 ay patuloy na maglilingkod sa ilalim ng probisyong hold-over ng RA 12232, na pinanatili ng RA 12326 hanggang sa maihalal at makapanumpa ang kanilang mga kapalit.
Basahin ang press release sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=176315.
Basahin ang Desisyon sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=176277.
Basahin ang Concurring and Dissenting Opinion ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=176288.
Basahin ang Dissenting Opinion ni Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa sa
https://sc.judiciary.gov.ph/?p=176306.
Basahin ang Concurring Opinion ni Justice Jhosep Y. Lopez sa
https://sc.judiciary.gov.ph/?p=176312.
Basahin ang Dissenting Opinion ni Justice Antonio T. Kho, Jr. sa
https://sc.judiciary.gov.ph/?p=176314.
Sumunod sa Credit Attribution Policy ng SC PIO: https://sc.judiciary.gov.ph/credit-attribution-policy/.