04/06/2019
VIOLENCE AGAINST WOMEN AND CHILDREN (VAWC)
PART II
TANONG: ANO BA ANG KAHULUGAN O IBIG SABIHIN NG MGA KATAGANG ITO SANG-AYON SA BATAS PAMBANSA BLG. 9262?
a. KARAHASAN AT PANG-AABUSO SA KABABAIHAN AT MGA ANAK NITO – ito ay patungkol sa karahasan o pang-aabuso o serye ng karahasan at pang-aabuso ng isang tao sa kanyang asawa, dating asawa, karelasyon, dating karelasyon na kung saan siya ay may anak dito o sa anak ng kanyang kinakasama maging ito man ay kapisan sa bahay o hinde, na nagre-resulta o maaaring magresulta ng pisikal, s*xual, pangkaisipang pagdurusa (psychological harm) o kaya ay pinansyal na pang-aabuso (non-giving of support) kasama na ang pagbabanta tungkol dito, pambubugbog (battery), pagbabanta (threats), pananakit (assault), sapilitang pamimilit (coercion), pangha-harass (harassment) at pagkulong sa loob man o labas ng pamamahay (arbitrary deprivation of liberty). (Sec. 3, RA 9262).
b. PANANAKIT (PHYSICAL VIOLENCE) – ito ay patungkol sa aktual na pananakit sa isang babae o menor de edad na anak nito.
c. PANG-AABUSONG SEKSWAL (SEXUAL VIOLENCE) – ito ay may kinalaman sa pang-aabusong sekswal sa isang babae o anak na menor de edad nito. Kasama dito ang mga sumusunod: panggagahasa, s*xual harassment, pambabastos, pagturing sa isang babae o anak nito bilang isang s*x object, paggawa o pagsasabi ng mga bagay na nagpapababa ng pagtingin o nagpapasama sa rep**asyon ng isang babae, saktan ang ari ng babae, pilitin itong manuod ng malaswang pelikula o pilitin ang babae o anak nito na gumawa ng malaswang gawain o lumabas sa malaswang pelikula o live show, pilitin ang asawa o kabit nito na tumira sa iisang bubong at matulog na magkasama sa iisang kwarto. Pilitin ang biktima sa pamamagitan ng pagbabanta, pananakot at paggamit ng dahas upang mapilitan itong makipag-ugnayang sekswal sa ibang tao at gawing p**a (pr******te) ang biktima o anak nito.
d. KARAHASAN O PANG-AABUSONG MAY KINALAMAN SA PAG-IISIP (PSYCHOLOGICAL VIOLENCE) - ito ay patungkol sa paggawa ng isang bagay, o hindi paggawa nito, na nagdudulot o maaaring magdulot sa kaisipan o emosyonal na pagdurusa (mental or emotional suffering) ng biktima kagaya ng pananakot, pangha-harass, pagtugaygay (stalking), paninira ng ari-arian, panghihiya sa publiko, paulit-ulit na berbal na pang-aabuso. Kasama din dito ang hayagang pagpapakita sa biktima ng pang-aabusong pisikal, sekswal, sikolohikal sa miyembro ng pamilya, o hayagang panunuod ng malaswang pelikula o payagang manuod ng pagmamalupit sa alagang hayop, pagkakait sa kustodya ng anak nila ng biktima o pagbabawal na mabisita ito.
e. PANG-AABUSONG PANGKABUHAYAN (ECONOMIC ABUSE) – ito ay patungkol sa mga gawain na kung saan ang layunin ay mapilitang umasa ang biktimang babae sa kanyang asawa o live-in Partner ng ikabubuhay kagaya ng mga sumusunod o katulad nito:
1. Pang-aalis o paghinto ng suportang pinansyal o kaya ay pagpigil sa biktima na makapag-hanapbuhay ng legal o gamitin ang kanyang propesyon o magnegosyo at iba pang aktibidades na pagkakakitaan, maliban na lang kung ang kanyang asawa o partner ay tutol dito sang-ayon sa mga kadahilanang binabanggit sa Article 73 ng Family Code;
2. Pagkakait o bantang pagkakait sa pinansyal na
Kabuhayan (financial resources) at ang karapatang gamitin at tamasahin ang mga ari-ariang pag-aari nilang dalawa;
3. Pagsira ng ari-arian sa pamamahay;
4. Pag-kontrol sa pera ng biktima o ari-arian nito o pagkontrol sa pera o ari-ariang pag-aari nilang dalawa.
f. PAMBUBUGBOG (BATTERY) – ito ay patungkol sa pisikal na pananakit sa asawa o kinakasama o batang anak nito na nagdulot ng pisikal at pangkaisipan o emosyonal na pagkaligalig (psychological or emotional distress).
g. HNDI NORMAL NA PAG-UUGALI NG BABAE NA KINAKITAAN NG SINTOMAS NG PAMBUBUGBOG (BATTERED WOMAN’S SYNDROME) -– ito ay patungkol sa di normal na pag-uugali ng babae na dala ng madalas na pambubugbog dito.
h. PAGTUGAYGAY (STALKING) – ito ay may kinalaman sa intensyunal na pagtugaygay at pagsunod-sunod ng walang balido o legal na dahilan sa isang babae o anak nito.
i. MAGKA-KASINTAHANG RELASYON (DATING RELATIONS) – ito ay tungkol sa sitwasyon na ang babae at lalake ay nagsasama bilang mag-asawa ng hindi kasal o kaya sy magnobyo sa matagal ng panahon. Ang isang kaswal na kakilala o kaibigan lamang ay hindi maituturing na magkasintahang relasyon.
j. RELASYONG SEKSWAL (SEXUAL RELATIONS) – ito ay tungkol sa minsanang pakikipagtalik na maaaring magbunga o hindi ng anak.
K. ANAK (CHILDREN) – ang tinutukoy nito ay iyung mga batang may edad na mababa sa 18 o kung mataas man ay iyung mga hindi kayang pangalagaan ang sarili alinsunod sa RA 7610.