07/08/2026
Ex-Speaker Martin Romualdez, tatakbo pa rin presidente?
Noong hindi pa umiinit ang usapin ng flood control scam at nakaupo pa siya na Speaker ng House of Representatives, ay siya na ang tinitingnan na maaaring pambato ng mga BBM supporters bilang presidential candidate sa 2028. Loyal ang halos lahat ng congressmen sa kanya, at tila ayos sa pinsan niya na siya ang sumunod na presidente. Bakit hindi? Kumpleto rekado naman siya kung tatakbo nga siya. Pero nagbago ang ihip ng hangin noong naging pangunahing suspect siya sa trillion-peso flood control scam. Bagamat itinatanggi niya na siya ang mastermind, ay naramdaman ng Malacañang na hindi puwedeng hindi panagutin si Romualdez, “sa ngayon.” Sabi pa nga ni BBM sa SONA niya ay nalulungkot siya dahil dito. At ang Ombudsman naman ay nagsabi na “under preliminary investigation” na si Romualdez.
Totoo na kaya ito? O we are missing something here?
Inabot ng isang taon bago masampahan ng kaso si Romualdez. Pero sa ngayon ay hindi siya nakakulong. Maaaring ma-dismiss din ng Ombudsman ang kaso niya. O ang isampa na kaso ay hindi plunder para makapagpiyansa pa rin si Romualdez.
Kamakailan ay binawi ng apat sa mga ex-Marines ang salaysay nila laban kay Romualdez. Maaaring gagamitin ng mga abogado ni Romualdez ’yan para ma-dismiss ang kaso laban sa kliyente nila.
In the meantime, ay lamang pa rin si VP Sara sa mga survey sa pagkapangulo. Ang pangalawa ay si Naga City Mayor Leni Robredo. Pagkakatiwalaan kaya ng kampo ni BBM si Leni na hindi madedemanda si BBM at iba pa sa flood control scam kung manalo si Leni? Ngayon ang pink at mga loyalista ay magkasiping pa dahil may common enemy sila—si VP Sara.
Sa aking palagay, si Romualdez pa rin ang “sikretong” kandidato ni BBM sa pagkapresidente. Kailangan lang mawala si Romualdez sa flood control scam. Habang si VP Sara naman ang dinudurog nila, ay nawawala sa radar ng korapsyon si Romualdez.
Malayo pa naman ang 2028.
Ang senyales niyan ay pag na-dismiss ng Ombudsman ang kaso laban kay Romualdez, o kaya hindi plunder ang isampa laban sa kanya.
Mahirap paniwalaan na walang plano ang magpinsan.