23/06/2026
๐ข๐ฃ๐๐ฆ๐ฌ๐๐ ๐ก๐ ๐ฃ๐๐๐๐ฌ๐๐
๐ง๐๐ป๐ด๐ธ๐ผ๐น ๐๐ฎ ๐ง๐ฟ๐ฎ๐ต๐ฒ๐ฑ๐๐ฎ ๐ป๐ด ๐ฃ๐ฎ๐บ๐ฎ๐บ๐ฎ๐ฟ๐ถ๐น ๐๐ฎ ๐ฃ๐ฎ๐ฎ๐ฟ๐ฎ๐น๐ฎ๐ป ๐๐ฎ ๐ง๐ฎ๐ฐ๐น๐ผ๐ฏ๐ฎ๐ป
Kahapon, apat na pamilya ang naghatid ng kanilang mga anak sa paaralan na umaasang ordinaryong araw lang ito. Katulad ng ginagawa ng milyon-milyong magulang araw-araw, nagpaalam sila sa kanilang mga anak at inasahang makakauwi rin ang mga ito pagkatapos ng klase. Pero bago matapos ang araw, tuluyan nang nagbago ang kanilang mga buhay.
Nakikiisa tayo sa pagdadalamhati ng mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay. Walang magulang ang dapat maglibing sa anak na ang tanging ginawa lang ay pumasok sa paaralan para mag-aral, mangarap, at maghanda para sa kinabukasan. Nakikiramay tayo sa mga naulilang pamilya at ipinapanalangin natin ang agarang paggaling ng mga nasugatan.
Nagpapasalamat din tayo sa mga g**o at school personnel na nagpakita ng katapangan sa gitna ng panganib para maprotektahan ang kanilang mga estudyante. Sa mga oras na pinakamahirap, pinili nilang unahin ang kaligtasan ng mga batang ipinagkatiwala sa kanila.
Dapat ligtas ang paaralan. Dito dapat natututo, nangangarap, at naghahanda para sa kinabukasan ang ating mga kabataan. Hindi sila dapat natatakot para sa kanilang buhay. At hindi rin dapat natatakot ang mga magulang na baka may mangyaring masama habang nasa loob ng paaralan ang kanilang mga anak. Kaya ang nangyari sa Tacloban ay hindi lang isang karumal-dumal na krimen. Isa rin itong paglabag sa tiwalang ibinibigay ng bawat pamilya sa ating mga paaralan.
Habang nagluluksa tayo, kailangan din nating hanapin ang mga sagot.
Ayon sa mga ulat, pag-aari umano ng isang miyembro ng Philippine National Police ang baril na ginamit sa insidenteng ito. Kung mapatutunayang totoo ito, seryosong usapin ito ng wastong pag-iingat ng mga baril at pananagutan ng mga may hawak nito. May obligasyon ang bawat taong pinagkakatiwalaan ng armas na tiyaking hindi ito mapupunta sa kamay ng mga hindi dapat magkaroon nito, lalo na ng mga menor de edad.
Karapatan ng mga pamilya ng mga biktima na malaman ang buong katotohanan. Karapatan din ng publiko na makita kung sino ang dapat managot. Kaya nananawagan tayo ng masusing, patas, at transparent na imbestigasyon para malaman kung ano ang nangyari at kung may kapabayaang nagbigay-daan sa trahedyang ito.
Pero hindi sapat na may managot pagkatapos mangyari ang lahat.
Kailangan din nating tiyakin na hindi na ito mauulit. Dapat nating palakasin ang mga patakaran sa ligtas na pag-iingat ng mga baril at tiyaking mahigpit itong ipinatutupad. Dapat din nating paigtingin ang school safety measures at tiyaking handa ang ating mga paaralan sa anumang emergency. Kasabay nito, kailangan nating palawakin ang access sa mental health services, early intervention programs, at anti-bullying initiatives para matulungan ang mga kabataang nangangailangan ng gabay bago pa lumala ang kanilang pinagdaraanan.
Hindi na natin maibabalik ang mga batang nawala sa Tacloban. Pero higit pa sa pakikiramay at panalangin ang utang natin sa kanila. Utang natin sa kanila ang pagkilos. Utang natin sa kanilang mga pamilya ang mga sagot. At utang natin sa bawat batang Pilipino ang katiyakang ligtas silang makakapasok at makakauwi mula sa paaralan araw-araw.
Dahil ang bawat bata ay may karapatang matuto, mangarap, at lumaki nang ligtas, susuportahan ko ang mga hakbang at repormang makatutulong para maiwasan ang mga ganitong trahedya sa hinaharap.
Huwag nating hayaang mawalan ng saysay ang pagkamatay ng mga batang ito. Gawin nating dahilan ang trahedyang ito para mas paigtingin ang ating mga pagsisikap na bumuo ng isang bansang walang batang natatakot pumasok sa paaralan at walang magulang na nangangambang baka hindi na makauwi nang ligtas ang kanilang anak.