24/07/2025
Bill vs. Law: Bakit Hindi Pa Legal ang Divorce sa Pilipinas?
Maraming Pilipino ngayon ang nalilito. May nagsasabing “pwede na raw ang divorce,” kasi raw “naipasa na sa Kongreso.” Pero ang totoo, hindi pa legal ang divorce sa Pilipinas. Kaya mahalagang linawin muna: ano ba talaga ang bill at ano ang batas?
Ang BILL o panukalang-batas ay isang proposal o mungkahi pa lamang na ginagawa ng Kongreso. Hindi pa ito batas at wala pa itong power ng isang batas. Para maging batas, kailangan muna itong aprubahan sa tatlong pagbasa sa House of Representatives, tatlong pagbasa sa Senado, at pagkatapos ay pirmahan ng Pangulo (Official Gazette, 2020; Philippine Congress Procedures). Kung hindi ito pipirmahan ng Pangulo at ni-reject, ang tawag doon ay veto. Kung magkaisa naman ang dalawang kapulungan ng Kongreso, puwede nila itong i-override, pero bihira lamang ito mangyari.
Samantala, ang BATAS ay isang panukala na naipasa na sa parehong Kapulungan at pinirmahan na ng Pangulo. Ibig sabihin, ito ay may legal na bisa, at pwedeng gamitin sa korte bilang basehan ng pagdedesisyon. Mag-kapares ang bill at batas sa isang aspeto, sila ay parehong bahagi ng legislative process at nagmumula sa Kongreso. Pero magkaiba ang bigat nila. Ang bill ay isang mungkahi pa lang; habang ang batas ay may legal na power. Ang bill ay hindi pwedeng gamitin sa legal proceedings, habang ang batas naman ay pwedeng ipatupad at sundin ng publiko.
Ngayon, paano ito konektado sa isyu ng Divorce? Noong Mayo 22, 2024, inaprubahan na sa ikatlong pagbasa sa House of Representatives ang panukalang Divorce Bill (House Bill 9349) na layuning magbigay ng legal na proseso sa paghihiwalay ng mag-asawa (ABS-CBN News, 2024). Pero hanggang doon lang muna ito. Hindi pa ito naipapasa sa Senado, at higit sa lahat, hindi pa ito pinipirmahan ng Pangulo. Ayon sa Philippine Star (2024), ilang senador ang nagpahayag ng agam-agam sa naturang panukala, kaya hindi pa ito umuusad sa upper chamber. Kaya malinaw na hindi pa ito batas.
Ang problema, maraming Pilipino ang akala nila ay legal na ang divorce. Marami ang nagpapakalat sa social media na “pwede nang makipaghiwalay” basta’t may divorce bill na. Pero ang totoo, hindi pa ito pwedeng gamitin na bill bilang isang basehan sa korte. Ayon kay Rep. Edcel Lagman, isa sa mga pangunahing may-akda ng panukala, ang layunin ng Divorce Bill ay bigyan ng “second chance at happiness” ang mga nasa abusive at irreparable marriages (ABS-CBN News, 2024). Ngunit kahit maganda ang layunin, hangga't hindi pa ito napipirmahan ng Pangulo, wala pa rin itong legal na bisa. Kaya, ang mga taong nagpapakalat ng mga maling impormasyon ay lalong nagpapalito sa publiko patungkol sa usapin.
Sa madaling salita: ang Divorce Bill ay hindi pa batas. Hindi pa ito sapat na dahilan para maging legal ang divorce sa bansa. Habang hindi pa ito lusot sa Senado at wala pang lagda ng Pangulo, walang sinuman sa Pilipinas ang pwedeng gumamit ng divorce bilang legal na basehan sa pakikipag-hiwalay.
Kaya’t paalala sa lahat: Maging maingat sa impormasyon. Alamin ang proseso at huwag agad maniwala sa post na walang basehan.
Inilathala ni: Kyle Antonio
References:
ABS-CBN News. (2024). Absolute divorce bill gets final House nod. https://www.abs-cbn.com/news/2024/5/22/absolute-divorce-bill-gets-final-house-nod-1729
ABS-CBN News. (2024). House-approved Absolute Divorce Bill transmitted to Senate. https://www.abs-cbn.com/news/2024/6/12/house-approved-absolute-divorce-bill-transmitted-to-senate-1256
Official Gazette of the Republic of the Philippines. (n.d.). How a bill becomes a law. https://www.officialgazette.gov.ph/about/gov/how-a-bill-becomes-a-law/
Philippine Star. (2024). Divorce bill narrowly hurdles House. https://www.philstar.com/headlines/2024/05/22/2357115/divorce-bill-narrowly-hurdles-house
Philippine Star. (2024). Absolute divorce will become law, Lagman vows. https://www.philstar.com/headlines/2024/05/28/2358445/absolute-divorce-will-become-law-lagman-vows
Philippine Star. (2025). Absolute divorce bills refiled at House. https://www.philstar.com/headlines/2025/07/03/2455069/absolute-divorce-bills-refiled-house