09/09/2022
May tao bang nagkakautang sayo na ayaw magbayad? Kahit anong singil mo parang wala lang? Mapapagod ka nalang sa kakatext at kakatawag pero wala pa ring reply?
Wag mag alala, pwede ka nang magsampa ng kaso sa korte na ikaw lang, oo, ikaw lang. Hindi mo na kailangan ng abogado.
Ito ay tinatawag na "Small Claims" o isang simple at impormal na pamamaraan sa pagdinig kung saan ang halaga ng salapi na sinisingil ay Isang Milyong Piso o mas mababa pa.
Ang singil ay pera na inutang sa ilalim ng alinman sa mga sumusunod:
1) Kontrata ng pag-upa
2) Kontrata ng utang at iba pang credit
accommodation
3) Kontrata ng serbisyo
4) Kontrata ng pagbebenta ng personal na pag-aari
(hindi kasama ang pagbawi ng personal na pag- aari maliban kung napapailalim sa isang kasunduan sa kompromiso).
Pero ano nga ba ang dapat mong gawin at ihanda?
Simple lang...
Kailangan mo lang punan or sagutan ang form at ihanda ang mga sumusunod:
1) Mga dokumento at katibayan na sumusuporta sa iyong pagsisingil tulad ng pirmadong kasulatan at kontrata, katibayan ng pagkakautang, mga tseke, mga resibo, salaysay ng mga saksi/testigo, at iba pang importanteng mga dokumento.
2) Pinakahuling liham ng paniningil, kung meron, katibayan ng pagpapadala at pagkatanggap nito.
3) Katibayan upang Dumulog sa Hukuman galing sa Barangay kung ikaw at ang hinahabla ay nakatira sa iisang munisipyo o lungsod.
4) Kung hindi mo kayang dumalo sa pagdinig, isang Natatanging Gawad-Kapangyarihan (SPA), board resolution o secretary’s certificate, kung saan man ito naaayon, na nagpapahintulot sa iyong kinatawan na kumatawan sa iyo sa panahon ng pagdinig, pumayag sa isang mapayapang pagkakasunduan, sumailalim sa alternatibong paraan ng paglutas ng pagtatalo, at gumawa ng pag-amin o pumasok sa kasunduan ng mga pangyayari at dokumento ng walang karagdagan konsultasyon mula sa iyo.
e. Kung ang pagsampa ng pagsingil ay sa ngalan ng isang juridical entity, kinakailangan ang secretary’s certificate o board resolution na nagpapahintulot sa iyo na isampa ang kaso.
- Form 1-B-SCC
Para sa form at iba pang detalye, pwede mo tong madownload sa website na ito: https://oca.judiciary.gov.ph/small-claims/