19/10/2024
Iginiit ng Korte Suprema na hindi oral defamation o slander ang mga pahayag laban sa mga public officer kapag kaugnay sa kanilang mga opisyal na tungkulin, maliban kung mayroong malice.
May malice kapag alam na mali o binalewala kung mali man ang isang pahayag.
Sa isang Desisyon na isinulat ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, pinawalang-sala ng Second Division ng Korte Suprema ang isang babaeng nahatulan ng grave oral defamation matapos nitong sigawan, sa gilid ng kalsada, ang kanilang barangay kagawad at tinawag siyang bobo, hindi edukado, ignorante, at hindi patas sa paghawak sa barangay conciliation proceeding sa alitan niya sa isa pang kapitbahay.
Sa ilalim ng Article 358 ng Revised Penal Code, may oral defamation o slander kapag (1) may akusasyon ng krimen, pagkakamali, o depekto; (2) pasalita ang pahayag (3) sa pampublikong paraan; (4) may malice; (5) laban sa isang tao, buhay man o patay; at (6) ang akusasyon ay maaaring magdulot ng kahihiyan sa taong inakusahan.
Ayon sa Korte, presumed o ipinapalagay sa batas na ang mapanirang akusasyon ay may malice kaya ang taong nagbitiw ng mga mapanirang pahayag ang may burden o obligasyon na patunayan na walang malice.
Subalit pagdating sa defamation laban sa mga pampublikong opisyal kaugnay ng kanilang mga tungkulin, ang prosekusyon ang may obligasyon na patunayan na may aktwal na malice sa mga mapanirang pahayag. Kinikilala ng Korte na ang free speech o malayang pamamahayag ay nagbibigay kapangyarihan sa mga mamamayan na panagutin ang mga pampublikong opisyal dahil “public office is a public trust.”
Sa kasong ito, hindi napatunayan ng prosecution na may malice sa mga pahayag ng akusado laban sa barangay kagawad. Dagdag pa ng Korte, hindi dapat maging sensitibo ang mga nasa larangan ng public service.
Basahin ang buong press release sa:
https://sc.judiciary.gov.ph/sc-statements-against-public-officers-not-slanderous-when-related-to-the-performance-of-official-duties/
Basahin ang buong Desisyon sa: https://sc.judiciary.gov.ph/246824-argelyn-m-labargan-vs-people-of-the-philippines/