17/01/2026
Sinuspinde o pinagpaliban muna ng ang hatol sa isang child in conflict with the law (CICL), bilang paggiit sa layunin ng Republic Act No. (RA) 9344, o ang Juvenile Justice and Welfare Act, na isulong ang pinakamahusay na interes at rehabilitasyon ng bata.
Sa isang Desisyon na isinulat ni Associate Justice Mario V. Lopez bago siya magretiro, tinanggihan ng En Banc ng Korte Suprema ang apela ni ###265302 (akusado) na napatunayang nagkasala ng qualified r**e ng isang menor de edad. Napatawan siya ng parusang 12 taon hanggang 14 na taon, walong buwan at isang araw sa bilangguan.
Ibinalik ang kaso sa Regional Trial Court (RTC) para ipag-utos na madetine ang akusado sa isang agricultural camp o iba pang pasilidad ng pagsasanay sa ilalim ng Section 51 ng batas.
Kinasuhan ng panggagahasa sa kanyang limang taong gulang na kalaro ang akusado na 15 taong gulang nang mangyari ang krimen.
Labing-walong taong gulang na siya nang hatulan ng Regional Trial Court (RTC) na guilty sa statutory r**e. Ipinataw nito ang parusang pagkakakulong ng walong taon at isang araw hanggang 14 na taon, walong buwan at isang araw, ngunit sinuspinde ng RTC ang kanyang sentensiya.
Sa ilalim ng Section 38 ng RA 9344, may karapatan sa suspensiyon ng kanilang sentensiya ang isang akusado na menor de edad sa panahon ng pagkakasala.
Makalipas ang ilang buwan, naglabas ang RTC ng warrant of arrest, at siya ay ikinulong sa New Bilibid Prison. Tinanggihan ng Court of Appeals ang kanyang apela.
Pinagtibay ng Korte Suprema ang kanyang hatol ngunit nilinaw na ang krimen ay qualified r**e at ipinag-utos ang suspensiyon ng kanyang sentensiya.
Nakasaad sa Section 40 ng RA 9344 na kapag nasa edad 18 ang CICL habang nasa ilalim ng nasuspinding sentensiya, maaari silang palayain ng korte, iutos na ipatupad ang kanilang sentensiya, o palawigin ang suspendidong sentensiya sa loob ng isang panahon o hanggang umabot sila sa maximum na edad na 21 taong gulang.
Sa kasong ito, 25 taong gulang na ngayon ang akusado na inilipat sa Davao Prison and Penal Farm.
Gayunpaman, pinahaba ng Korte Suprema ang pagsuspinde sa kanyang sentensiya para matupad ang layunin ng batas na inuuna ang pagpapanumbalik, rehabilitasyon, at reintegrasyon ng mga batang nagkasala sa komunidad.
Basahin ang press release sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=159175.
Basahin ang Desisyon sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=159085.
Sumunod sa Credit Attribution Policy ng SC PIO: https://sc.judiciary.gov.ph/credit-attribution-policy/.