27/02/2025
Pinawalang-bisa ng ang foreclosure ng isang bangko sa isang mortgaged property matapos mabigo ang bangko na i-account nang maayos ang mga bayad sa loan ng mga borrower.
Sa isang Desisyon na isinulat ni Associate Justice Mario V. Lopez, nagpasya ang Second Division ng Korte Suprema pabor sa mga negosyante na sina Carmelita Cruz at Vilma Low Tay (mga borrower), na kumuha ng ilang pautang mula sa Metropolitan Bank and Trust Company (Metrobank) at ginamit ang ari-arian sa Pasig City bilang collateral.
Nagbayad ang mga borrower ng PHP 32.6 million sa kanilang mga loan, pero PHP 20.5 million lang ang naitala ng Metrobank, kaya may unaccounted na PHP 12.14 million. Nanalo sila sa accounting case na isinampa sa Marikina Regional Trial Court (RTC), na sinang-ayunan ng Court of Appeals at Korte Suprema.
Sa kabila nito, itinuloy ng Metrobank ang foreclosure o pagremata ng property sa Pasig City RTC. Nang mabigo ang mga borrower na matubos ang ari-arian, nabili ito ng bangko sa isang foreclosure sale, na pinawalang-bisa naman ng Pasig RTC. Pero binaligtad ng CA ang desisyon kaya umakyat sila sa Korte Suprema.
Sinabi ng Korte na premature ang foreclosure sale. Dahil walang categorical finding na nagdefault o hindi nakapagbayad ang mga borrower, walang sapat na dahilan para ituloy ang foreclosure.
Ang isang mortgage ay nagsisilbing seguridad para sa isang pautang, at sa sandaling ang utang ay ganap na nabayaran, ang mortgage ay awtomatikong natatapos. Ang foreclosure ay makatwiran lamang kapag ang isang pautang ay nananatiling hindi nababayaran sa takdang petsa nito.
Nilinaw ng Korte na karaniwan, ang hindi pagbibigay ng accounting ng loan payments ng isang lender ay hindi basehan para ipawalang-bisa ang foreclosure. Pero sa kasong ito, naglabas na ang Korte Suprema ng final and executory ruling na nag-uutos sa Metrobank na magbigay ng kumpleto at wastong accounting sa mga babayaran ng mga borrower. Hangga’t hindi ito nareresolba, hindi maaaring magpatuloy ang foreclosure, dahil salungat ito sa naunang ruling ng Korte. Dahil dito, pinawalang-bisa ang foreclosure sale.
Basahin ang buong teksto ng press release sa https://sc.judiciary.gov.ph/sc-voids-banks-foreclosure-due-to-incomplete-loan-records/.
Basahin ang buong teksto ng Desisyon sa https://sc.judiciary.gov.ph/236605-carmelita-c-cruz-and-vilma-low-tay-et-al-vs-metropolitan-bank-and-trust-company-et-al/.