20/06/2025
Hinatulang guilty ng ang isang 68 na taong gulang na dayuhan sa panggagahasa at qualified trafficking ng isang menor de edad.
Sinabi ng Korte na ang pag-imbita at pakikipagpulong sa isang menor de edad para pagsamantalahan ay maituturing na qualified trafficking in persons. Ipinaliwanag naman ng Korte ang pagkakaiba ng r**e at sexual abuse.
Sa isang Desisyon na isinulat ni Associate Justice Antonio T. Kho, Jr., sinentensiyahan ng Supreme Court En Banc ng 40-taong pagkakakulong para sa r**e at habambuhay na pagkakakulong para sa qualified trafficking ang dayuhan, matapos mapatunayan na pinilit nito ang biktima na pumunta sa kanyang apartment para makipagtalik kapalit ng pera. Pinagbantaan din niya ang menor de edad na i-upload ang kanyang mga hubo't hubad na larawan sa internet kapag tumanggi siya.
Nakilala ng biktima ang dayuhan sa pamamagitan ng Facebook Messenger at kalaunan ay naging online “sweethearts” sila. Humingi ang dayuhan sa biktima ng mga hubad na litrato kapalit ng pera. Bagamat sumunod noong una, nakiusap ang biktima sa dayuhan na itigil ang paghingi nito ng mga hubad na litrato dahilan para magalit at pagbantaan siya ng dayuhan na ia-upload ang nasabing litrato kapag tumanggi ang biktima. Kinumbinsi din ng dayuhan ang biktima na makipagkita sa kanya nang personal para makipagtalik kapalit ng pera.
Pumunta ang biktima sa apartment ng dayuhan kung saan siya pinakain, pinainom ng alak, at hinalay sa kabila ng pakiusap niya na ihinto ang pang-aabuso. Nang makatulog ang dayuhan, nakatakas ang menor de edad at agad na nagtungo sa pulisya para humingi ng tulong.
Guilty ang hatol sa dayuhan ng Regional Trial Court at Court of Appeals sa kasong sexual abuse sa ilalim ng Republic Act No. (RA) 7610, o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, at qualified trafficking sa ilalim ng RA 9208, o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, as amended by RA 10364, o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012.
Habang pinagtibay ng Korte ang hatol para sa qualified trafficking, sinabi nito na ang dayuhan ay guilty sa kasong r**e sa ilalim ng Revised Penal Code (RPC) at hindi sexual abuse sa ilalim ng RA 7610.
Sa ilalim ng Article 266-A(1)(A) ng RPC, may r**e kapag ang isang lalaki ay nakipagtalik sa isang babae sa pamamagitan ng puwersa, pagbabanta, o pananakot o kapag ang biktima ay wala pang 12 taong gulang.
Sa kabilang banda, sa ilalim ng Section 5(b) ng RA 7610, ang sexual abuse ay kinabibilangan ng pakikipagtalik o kahalayan na ginawa laban sa isang batang wala pang 18 taong gulang, na maaaring pinagsamantalahan sa pamamagitan ng prostitusyon o sumasailalim sa iba pang anyo ng sekswal na pang-aabuso.
Sa kasong ito, binanggit ng Korte na ang paratang laban sa dayuhan ay hindi nagsasaad na ang menor de edad ay pinagsamantalahan sa pamamagitan ng prostitusyon o sumailalim sa sekswal na pang-aabuso gaya ng tinukoy sa ilalim ng RA 7610. Ang ikinaso at napatunayan sa paglilitis ay gumamit ang dayuhan ng “force and intimidation” o puwersa at pananakot na isang elemento ng r**e sa ilalim ng RPC.
Basahin ang buong teksto ng press release sa G.R. No. 256452, People v. Willem Johannes Peek, sa https://tinyurl.com/445vaa2a.
Basahin ang buong teksto ng Desisyon sa https://tinyurl.com/y9c54rts.
Basahin ang Concurring Opinion ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen sa https://tinyurl.com/2y7du4nd.
Basahin ang Concurrence and Dissent ni Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier sa https://tinyurl.com/58t2zbeu.
Basahin ang Concurring Opinion ni Associate Justice Japar B. Dimaampao sa
https://tinyurl.com/5mdk96hw.