25/08/2026
Nagpasya ang na hindi maaaring singilin ng bangko ang isang depositor sa perang na-withdraw nito kung ang pagkawala ng pera ay dulot ng mismong gross negligence o matinding kapabayaan ng bangko.
Sa isang Desisyong isinulat ni Associate Justice Japar B. Dimaampao, isinantabi ng Ikatlong Dibisyon ng Korte Suprema ang petisyon na inihain ng BDO Unibank, Inc. (BDO) at sinabi na maituturing na matinding kapabayaan ang hindi pagsunod ng bangko sa sarili nitong patakaran.
Nag-ugat ang kaso sa pagdeposito ni Cristina Barcellano (Barcellano) ng isang regional check na nagkakahalaga ng PHP 151,200 mula sa sangay ng Landbank sa Albay sa kanyang savings account sa sangay ng BDO sa Lucena City.
Nagkamali ang teller ng BDO sa pag-validate ng tseke bilang local check sa halip na regional check. Dahil dito, na-credit ang halaga makalipas lamang ng tatlong banking days sa halip na pitong araw.
Sa paniniwalang maaari nang gamitin ang pera, nag-withdraw si Barcellano ng PHP 76,000. Di nagtagal, nakatanggap ang BDO ng stop payment order para sa tseke at hiniling kay Barcellano na isauli ang pera. Bagama’t pumayag siya, hindi niya naibalik ang nasabing halaga. Kalaunan, tumanggi ang BDO na ilabas ang natitirang balanse at nagsampa ng reklamong kriminal para sa estafa.
Kapwa pinawalang-sala ng Regional Trial Court at ng Court of Appeals si Barcellano matapos mapag-alamang walang pandaraya, panlilinlang, o pang-aabuso sa tiwala sa kanyang panig, at ang sariling kapabayaan ng BDO ang naging sanhi ng insidente.
Sa Korte Suprema, hiniling ng BDO na repasuhin ang aspekto ng pananagutang sibil ng kaso. Iginiit nitong sa kabila ng pagpapawalang-sala kay Barcellano, dapat pa rin siyang atasan na isauli ang pera. Ayon sa BDO, ang pagtanggi niyang isauli ito ay nagresulta sa unjust enrichment o hindi makatarungang pagpapayaman. Dagdag nito, dahil nailabas ang pondo dahil sa pagkakamali nito sa pagproseso ng tseke, obligado si Barcellano na isauli ang pera batay sa prinsipyo ng solutio indebiti na nag-aatas sa pagsasauli ng perang natanggap dahil sa pagkakamali.
Hindi sumang-ayon ng Korte Suprema. Walang unjust enrichment dahil nabigo ang BDO na patunayang tinanggap nito ang isang benepisyo na hindi para sa kanya.
Sa kasong ito, hindi ipinaliwanag ng bangko kung bakit naglabas ng stop payment order o ipinakita na alam ni Barcellano na hindi mababayaran ang tseke. Sa halip, ipinakita ng mga ebidensiya na nag-withdraw siya ng pera nang may mabuting loob matapos mismong gawing available ng BDO ang pondo sa kanyang account.
Dagdag pa nito, ang mismong gross negligence ng BDO ang naging sanhi ng pagkalugi nito. Napag-alaman na na-credit ng bangko ang tseke bago ito maayos na na-clear, napagkamalan nitong local check ang regional check, at hindi nito natukoy ang pagkakamali hanggang sa matanggap nito ang stop payment order. Ipinakita ng mga pagkukulang na ito na hindi nasunod ng bangko ang mga pangunahing pag-iingat na nilalayong protektahan ito laban sa mga panganib na dulot ng mga tsekeng hindi wasto o hindi mababayaran.
Basahin ang press release sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=171657.
Basahin ang Desisyon sa https://sc.judiciary.gov.ph/261264-bdo-unibank-inc-vs-cristina-barcellano-y-riego/.
Sumunod sa Credit Attribution Policy ng SC PIO: https://sc.judiciary.gov.ph/credit-attribution-policy/.