12/08/2025
Thank you to The Defender — the official student publication of BPSU Balanga Campus — for featuring our Walis Lasa in your e-magazine: https://www.facebook.com/share/p/16tMKRatga/
𝗠𝗮𝘆 𝘁𝗮𝗵𝗶𝗺𝗶𝗸 𝗻𝗮 𝗮𝗻𝘆𝗼 𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝗸𝗮𝘄𝗮𝗹𝗮.
Ang bawat araw ay tila mas mabilis kaysa kahapon, dala ng walang tigil na pag-usad ng teknolohiya. Sa tunog ng mga notipikasyon at liwanag ng mga screen, may mga bagay at lugar na nananatiling ligtas mula sa pagmamadali—mga piraso ng nakaraan na kumakapit sa kasalukuyan, pilit pinapatunayang may mas mahalaga kaysa sa bilis ng lahat.
Ngunit may mga bagay ding hindi natin namamalayang humuhulagpos mula sa ating mga palad. Wala silang dramatikong pamamaalam; tahimik ang kanilang paglisan. Katulad ng tinta sa lumang pahina na unti-unting kumukupas, o ng awit na minsan nating narinig sa kalye na ngayo’y hindi na mabuo sa gunita, may mga anyo ng buhay at alaala na hindi na muling madarama sa parehong paraan.
Tulad ng isang lumang pwesto kung saan nakatago ang mga kuwentong nakatiklop sa pagitan ng pahina, marami sa kanila ay araw-araw nating nadaraanan ngunit bihirang mapansin. Sa gitna ng walang katapusang agos ng balita, sila’y paalala na hindi lahat ng bagay ay dapat minamadali. Ang pagtigil upang huminga, magbasa, at magbabad sa isang kuwento ay nagiging ritwal ng pagbabalik sa sarili—isang pagbabalik na pumapawi sa ingay at binubuhay ang mga bahaging matagal nang naghihintay na mapansin.
Sa mga sandaling iyon, natututo tayong pakinggan ang mga bagay na dati’y hindi natin pinapansin. Lahat sila’y patunay na kahit ang pinaka-payak na bagay ay nagiging kayamanan kapag malapit nang maglaho. Kaya sa mundong nagmamadali, mahalaga ang tumayo nang matatag sa gitna ng agos, kumapit sa mga pahinang humuhubog sa ating pagkatao, at piliing huminto upang damhin ang yaman ng kasalukuyan.
———
Maaari nang i-access online ang 𝗩𝗲𝗿𝗯𝗮𝘁𝗶𝗺, ang magazine issue ng The Defender para sa pang-akademikong taon 2024–2025.
Isang paglalakbay pabalik sa mga haligi ng panitik at alaala, hatid ng Verbatim ang mga pahinang humuhuli sa huling pintig ng mga bagay na unti-unting nilalamon ng paglimot. Dito, sumisilip ang mga kuwentong humahawak sa huling hibla ng kahapon: mula sa mga lugar na tila bantayog ng nakaraan, hanggang sa mga tao’t gawang patuloy na humihinga laban sa agos ng pagbabagong walang pakundangan.
I-access ang e-magazine sa pamamagitan ng link na ito:
https://heyzine.com/flip-book/6f234137fe.html