24/03/2026
Pinagtibay ng En Banc ng ang legalidad ng isang circular ng Department of Justice (DOJ) na nagtaas sa antas ng ebidensiyang kailangan sa mga preliminary investigation at inquest proceeding. Mula sa dating probable cause, kailangan na ngayon ang prima facie evidence with reasonable certainty of conviction (may makatwirang katiyakan na hahantong sa pagkakahatol ng may sala).
Nagpasya ang En Banc ng Korte na ang Department Circular No. 15, series of 2024, na naglalaman ng 2024 DOJโNational Prosecution Service Rules on Preliminary Investigation and Inquest Proceedings (DOJ Rules), ay isang lehitimong paggamit ng kapangyarihan ng DOJ sa pangangasiwa at pagpapatakbo ng mga prosesong pamprosekusyon.
Sa ilalim ng bagong pamantayan ng ebidensiya sa preliminary investigation at inquest na itinakda ng DOJ Rules, kailangang tiyakin ng mga piskal na ang ebidensiyang gagamitin para kasuhan ang isang tao ay sapat na nagpapatunay sa lahat ng elemento ng krimen at, dahil dito, may matibay na batayan para humantong sa hatol na pagkakasala.
Kinuwestiyon ni Atty. Hazel L. Meking sa Korte Suprema ang DOJ Rules, at iginiit na lumampas umano ang DOJ sa saklaw ng kapangyarihan nito at nakialam sa konstitusyunal na awtoridad ng Korte Suprema na magtakda ng mga tuntunin sa pleading, practice, at procedure sa lahat ng hukuman. Ayon sa kanya, sa bisa ng DOJ Rules ay tila binago ang Rule 112, Section 3(a) ng Rules of Criminal Procedure, na nagsasaad na probable cause ang kinakailangang antas ng ebidensiya sa mga preliminary investigation.
Hindi pinagbigyan ng Korte ang kanyang petisyon at muling pinagtibay ang naging pasya nito sa A.M. No. 24-02-09-SC, kung saan kinilala nito ang kapangyarihan ng DOJ na maglabas ng sarili nitong mga tuntunin para sa mga preliminary investigation at inquest proceeding.
Ayon sa Korte, ang DOJ Rules ay sumasaklaw lamang sa paraan ng pagsasagawa ng preliminary investigation at inquest ng mga piskal, na itinuturing na mga tungkuling nasa ilalim ng ehekutibong sangay ng pamahalaan. Gayunman, hindi ito umaabot sa mga judicial proceeding, dahil nananatili sa Korte Suprema ang kapangyarihang magtakda ng mga tuntunin ng pamamaraan para sa mga ito.
Binanggit ng Korte na kinilala na nito noon pa na ang preliminary investigation ay nasa eksklusibong saklaw ng mga piskal, nang rebisahin nito ang Rules of Criminal Procedure noong 2005.
Noong 2024, sa pamamagitan ng A.M. No. 24-02-09-SC, iniutos din ng Korte ang pagbasura sa mga probisyon ng Rule 112 na hindi naaayon sa DOJ Rules, para mapag-isa at maging magkatugma ang mga ito.
Nananatiling pinakamataas ang konstitusyunal na kapangyarihan ng Korte na magtakda ng mga tuntunin para sa mga judicial proceeding, gayundin ang kapangyarihan nitong itama ang grave abuse of discretion sa anumang tuntunin o hakbang ng prosekusyon na lumalabag sa mga karapatang itinatakda ng Konstitusyon.
Basahin ang kabuuan ng Press Release sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=161871
Basahin ang kabuuang teksto ng Desisyon sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=161853
Basahin ang Concurring Opinion ni Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen sa https://sc.judiciary.gov.ph/?p=161858
Sumunod sa Credit Attribution Policy ng SC PIO: https://sc.judiciary.gov.ph/credit-attribution-policy/.