24/04/2026
HUSTISYA PARA SA NEGROS 19!
Hindi sila Terorista.
Hindi sila "Na-brainwashed”
Sila’y mga Martir ng Sambayanan.
Mariin naming kinokondena ang brutal na pagpaslang sa tinaguriang Negros 19. Sila ay mga anak ng bayan na nag-alay ng kanilang talino, lakas, at maging buhay alang-alang sa laban para sa lupa, sahod, karapatan, at tunay na pagbabago sa lipunan.
Sa gitna ng sistematikong kahirapan, malawakang nakawan sa kaban ng bayan, kawalan ng lupa para sa magsasaka, mababang sahod para sa manggagawa, kawalan ng hustisya para sa maralita, at patuloy na panunupil sa mga lumalaban, hindi kataka-takang may mga taong piniling tahakin ang landas ng paglaban.
Hindi sila “na-brainwashed.”
Hindi sila simpleng “naligaw ng landas.”
Sila ay mga taong mulat sa kabulukan ng sistema. Mga taong nakakita at nakaranas sa araw-araw na pagsasamantala, pang-aapi, at kawalan ng pag-asa sa ilalim ng isang lipunang pinaghaharian ng iilan.
Ang pagpili nilang lumaban-anumang porma nito—ay hindi bunga ng panlilinlang kundi ng malalim na pagmamahal sa bayan at pagkamuhi sa inhustisya.
Bago ninyo sila husgahan, itanong muna natin:
Ilang magsasaka na ba ang pinaslang dahil sa nanawagan sila ng tunay na reporma sa lupa?
Ilang manggagawa na ba ang pinatahimik dahil sa paghingi ng makatwirang sahod?
Ilang estudyante, abogado, pari, g**o, at aktibista na ba ang pinatay dahil lamang sa pagpanig sa mahihirap?
Sa isang bansang ang pagtindig ay kadalasang tinutumbasan ng bala, sino ba talaga ang nagtutulak sa mamamayan upang humawak ng armas?
Ang tunay na dapat managot ay hindi lamang ang mga pasistang pumatay kundi ang sistemang lumikha ng desperasyon, galit, at digmaang ito.
Kaya nananawagan tayo:
Hustisya para sa Negros 19!
Panagutin ang mga salarin at utak sa likod ng pamamaslang!
Wakasan ang red-tagging, militarisasyon, at pasismo!
Tugunan ang ugat ng armadong tunggalian: lupa, sahod, trabaho, at tunay na demokrasya!
Ang dugo ng mga martir ay hindi kailanman masasayang.
Sa bawat buhay na inialay, mas lalong titibay ang panawagan ng sambayanan para sa tunay na kalayaan at hustisyang panlipunan.
Makibaka! Huwag matakot!
Ipaglaban ang hustisya para sa Negros 19!