06/12/2025
Bibili ka ba ng property?
Narito ang isang praktikal na checklist bago ka bumili ng kahit anong lupa o bahay sa Pilipinas:
1. I-verify ang Titulo –
Siguraduhing tunay ang TCT o OCT at walang sangla, lien, o adverse claim. Laging kumuha ng Certified True Copy mula sa Registry of Deeds.
2. I-verify ang Authority ng Nagbebenta –
Ang nakapangalan sa titulo ang dapat magbenta. Kung may asawa, kailangan ang pahintulot ng asawa. Kung may mga tagapagmana, dapat may maayos na extrajudicial o judicial settlement. Kung may representative, siguraduhin na may valid na Special Power of Attorney.
3. Siyasatin ang Ari-arian –
Magsagawa ng actual site visit. Suriin ang hangganan, kung may nakatira, daan o right of way, at kung may umiiral na alitan. Lubos na inirerekomenda ang relocation survey sa property.
4. I-check ang Land Use at Zoning –
Alamin kung ang lupa ay residential, commercial, o agricultural. Para sa agricultural land, suriin kung sakop ng CARP at kung kailangan ng conversion.
5. I-verify ang Buwis sa Ari-arian –
Siguraduhing updated ang tax declaration at bayad ang lahat ng real property tax na walang arrears.
6. Kung may Bahay o Gusali –
Suriin ang building permit, occupancy permit, at updated na tax declaration ng mga improvements.
7. Siguraduhin ang Maayos na Deed of Sale –
Ang Deed of Absolute Sale ay dapat kumpleto, tama, at notarized. Huwag umasa sa unnotarized o open deed of sale.
8. Protektahan ang Iyong Bayad –
Maaaring gumamit ng manager’s check o bank transfer. Huwag ibigay ang buong bayad kung wala pang notarized deed at owner’s duplicate title. Huwag kalimutang papirmahin ng acknowledgment receipt ang taong tumanggap ng bayad.
9. Tapusin ang Paglilipat ng Ari-arian –
Bayaran ang Capital Gains Tax, Documentary Stamp Tax, at Transfer Tax. Irehistro ang bentahan at kumuha ng bagong titulo at tax declaration sa iyong pangalan.
🚩🚩🚩Mga red flag na dapat bantayan:
Walang original na titulo, rights-only na bentahan, minamadaling transaksyon, invalid na SPA, may nakatirang tao sa property, at mga titulong may maraming encumbrance.
💯 Bago pumirma, magtanong muna sa abogado.